Mister,Hinangaan dahil sa 12 kilometro ang pinapadyak gamit ang wheelchair na kinakabit sa bisikleta para maipa-dialysis ang kaniyang asawa.

Ngayong umiiral ang community quarantine napakahirap ang sitwsyon ng bawat manlalakbay, yung mga papuntang trabaho, mga emergency na kaso, dahil sa limitadong sasakyan at kailangang masunod ang social distancing sa loob ng sasakyan.

Kaya para sa mag-asawang ito na sina Manolito at Marilou Palacio ang kanilang ginagawa ay isang sakripisyo para mapa dialysis ang Misis nito.

Naglalakbay sila ng halos 12 kilometro simula madaling araw pa lang mula Caloocan patungong Quezon City para sa tatlong beses na dialysis sa isang linggo ng kanyang asawa.

At dahil walang masasakyan, ikinabit ni Manolito ang wheelchair ng asawa sa bisikleta at maglalakbay sila ng may 12 kilometro ang layo.

“Umaalis kami ng alas-singko [ng madaling araw] dumarating kami rito [sa center] minsan ‘pag hindi kami natrapik alas-otso, nandito na kami,” saad ni Manolito sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News “24 Oras”

Taong 2017 at 44-anyos lang noon si Marilou nang matuklasan na mayroon siyang stage 5 kidney failure.

Dahil na rin sa maliit lang ang kinikita ni Manolito sa paggawa ng signage at sa kondisyon ng sakit ni Marilou, tinaningan na raw noon ng duktor ang buhay ng ginang.

Ngunit sa kabila nito, hindi isinuko ni Manolito ang buhay ni Marilou na 23 taon na niyang kabiyak sa buhay, at ina ng kanilang pitong anak.

Kaya naman si Marilou, labis-labis ang pasasalamat sa dakilang pagmamahal na ipinapadama ng kaniyang mister.

“Pa maraming salamat sa pag-aalaga mo sa akin. Mula nang maospital ako di mo ako pinabayaan. Maraming-maraming salamat pinagtiyagaan mo ako kahit papaano. Salamat, love you pa,” sabi ni Marilou.

SOURCE: GMA NEWS

Loading...